Paano ko ba sisimulan? Pasasalamat? Pangungutya? Paghingi ng paumanhin? O Pamamaalam? Mas mabuti sigurong himay-himayin ko na ang lahat... Para matapos na ang pagdurusa na aking nararamdaman at nang sa gayon, MALAYA ka na sa iyong patutunguhan...
Mas minabuti kong hindi na pasabugin ang bombang hinanda ko. Para saan pa? mas lalo lang bibigat ang sitwasyon, at parang wala na rin akong pinagkaiba sa kanila. Sapat na ang mga ibinubulalas ko sa Fesbuk...
Sapat na ang sakit na ginawa nila...
*******************************
PASASALAMAT:
Gaano ka saglit pa lang ba tayo magkakilala? Lampas limang buwan na nga ba? Pero sa loob nito, parang ang dami na nating napagdaanan. May masaya, pero mas madalas nakakapagod at nakakauma. Gayunpaman nakakataba ng puso dahil kahit may mga bagay kang nalaman, nanatili ka at naging kaibigan. Sinubukan mo akong intindihin at pagpasensyahan. Sinubukan mong makisama at magpanggap na ayos ka kahit ramdam kong hindi naman.
Pinaramdam mo sa akin ang ilang bagay na hindi ko pa naramdaman kahit kailan. Malamang hindi mo ito intensyon, ngunit yun ang aking tinamasa. Ibang antas ng galak at kasiyahan...
********************************
PANGUNGUTYA:
Subalit bakit ganon, para kang asido na tumutunaw ng unti-unti sa aking pagkatao? Para akong basahan na pagkatapos gamitin ay itinapon mo na lamang! Ni hindi man lang nilabhan at itinabi kung saan. Bakit ako ay dagli mong ibinasura? Dahil ba ako’y iyong pinagsawaan? At nakakita na ng bagong paguumayan?
Hindi ko rin maintindihan, kahihiyan ba ang aking dala sa iyong kabuuan? Bakit kailangan iwasan ang mga usapan kung ang mga ito naman ay walang katotohanan? Bakit hindi na lamang balewalain tutal tayo ay magkaibigan naman? Hindi ba sapat itong dahilan para sabihin sa kanilang wala naman sa ating namamagitan?
Lalo’t higit, nagpadugo sa aking katauhan, bakit kailangan bigyang kahulugan ang mga bagay na aking ginagawa? Hindi ibig sabihin na dahil akoy may pagtangi sa iyo ay maaaring ika’y pagsamantalahan. Saan nanggagaling ang ideya na isang kabuktutan lang naman? Kung gayon, mababa pala ang tingin mo sa akin, kaibigan.
********************************
PAUMANHIN:
Naiintindihan ko na ika’y musmos pa rin. Kahit hindi na ito akma sa iyong kinalalagyan. Paumanhin kung may mga nagawa akong hindi kaaya-aya sa iyong kaalaman. Humihingi ako ng paumanhin sa pagsikil sayong kalayaan. Humihingi ako ng paumnahin sa pagdungis sa iyong reputasyon kung nagkagayon man.
At kung atraso para sayo ang pagtangi ko, paumanhin muli sayo...
Lalo’t higit, humihingi ako ng paumahin sa pagwasak ko sa iyong kasimplehan...
*********************************
PAMAMALAM:
Kung puro pasakit lang naman ang ating dulot sa isa’t-isa, bakit hindi na lang tayo magpaalam na? Hindi ba?
Kaya sa pagkakataong ito, KAIBIGAN, PAALAM na sayo.
Hindi ko na maaaring iharap ang taong nakilala mo, dahil naghihingalo na ito...
Pero kung nais mo, ipapakilala ko ang taong nakikilala ng karamihang tao... yung kayang magbigay ng ordinaryong pakikisama sayo... yung wala nang hinihintay na kung anuman sayo. Yun ay kung ayos lang sayo... at sa muli nating pangangamusta, ordinaryo na rin lang ang ating pakikitungo...
Kaya muli napakasakit man KAIBIGAN, PAALAM....
Thursday, April 1, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment